Tungkol sa Grupo

Taong 1985, nagkasundo ang siyam na batang makata -sina Rowena Gidal, Edwin Abayon, Dennis Sto. Domingo, Ronaldo Carcamo, Danilo Gonzales, Vim Nadera, Ariel Dim. Borlongan, Romulo Baquiran, Jr. at Gerardo Banzon na patuloy na magtagpo kahit natapos at sumailalim na sila sa Rio Alma Poetry Clinic, isang serye ng mga Sabado ng palihan at madugong pagsipat sa mga tula.

Kaya’t noong 15 Disyembre 1985, sa tanggapan ng ngayo’y Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario, (mas kilala bilang Rio Alma) sa Adarna House, Quezon City, isinilang ang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA),  isang organisasyon ng mga makatang masigasig na nagsusulat sa wikang Filipino.

Ilan sa mga layunin ng LIRA ang palusugin at pagyamanin ang panulaang Filipino sa pamamagitan ng pag-aaral ng tradisyonal at modernistang tula, magbigay ng mga palihan at panyam, mag-organisa ng iba’t ibang okasyong pampanitikan at tumulong sa pagpapalimbag ng mga koleksiyon ng tula ng mga kabataang makata.

Maliban kay Rio Alma, matiyagang umantabay sa mga palihan at/o nagbigay ng panayam ang ilan sa pinakamahuhusay na makatang Filipino: Mike Bigornia, Teo Antonio, S.V. Epistola, Alfredo Navarro Salanga, Marne Kilates, Fidel Rillo, Rogelio Mangahas, Joi Barrios, Krip Yuson at marami pang iba.

Bilang patunay ng masaganang pananalinghaga, nakapagpalimbag na ang LIRA ng tatlong antolohiya: ang Unang Bagting, Parikala at Ikatlong Bagting. At ilan sa mga miyembro ng LIRA tulad nina Vim Nadera, Jr., Romulo Baquiran, Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Soselyn Floresca (SLN), Fr. Arnel S. Vitor, Mesandel Virtusio Arguelles, Maningning Miclat (SLN),  Edgar Samar, Joseph Rosmon Tuazon, Jerry Arcega Gracio, Ony Carcamo at Raul Funilas ang mayroon nang sariling koleksiyon ng tula.

Ipinagdiwang ng LIRA noong Disyembre 11, 2007 ang ika-22 anibersaryo nito sa Conspiracy Garden Cafe, Quezon City kung saan inilunsad din ang literary folio ng mga fellow ng nakaraang palihan. Maaaring mag-email kay Beverly Siy, pangulo, sa pamunuan@liraonline.org.